Inalis na noong Sabado ang fishing ban na ipinataw sa Calapan, Oriental Mindoro kasunod ng oil spill mula sa paglubog ng MT Princess Empress.
Ayon kay Calapan City Administrator Atty. Raymund Ussam, inalis ang fishing ban matapos iulat ng mga eksperto na walang indikasyon na apektado ng oil spill ang mga isda sa lugar.
Gayunpaman, ipinagbabawal pa rin ang paglangoy sa baybayin ng Barangay Navotas, Maidlang, at Silonay.
Dagdag pa ni Atty. Ussam na patuloy silang magbibigay ng emergency assistance para sa mga apektadong mangingisda at residente sa Calapan City.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, nasa 20,540 pamilya sa 10 bayan ang naapektuhan ng oil spill.
Ang RDC Reield Marine Services, ang kumpanyang nagmamay-ari ng Princess Empress, ay nagsabi na ang dayuhang sasakyang-dagat at malayuang pinapatakbo sa ilalim ng dagat na sasakyan ay makakatulong upang mahanap ang lumubog na barko at masuri ang pinsala.
Layunin din ng operasyon na matukoy kung tumutulo pa rin ang langis mula sa sinasakyang motor tanker.
Samantala, darating sa Oriental Mindoro sa Lunes ang foreign vessel at remotely operated underwater vehicle.
Matatandaan na dala ng Princess Empress ang 900,000 litro ng industrial fuel oil nang lumubog ito dahil sa malalakas na alon noong Pebrero 28.