GENERAL SANTOS CITY – Inaantay na lang ng Philippine Coast Guard (PCG)-GenSan ang court order, may kinalaman sa pagkostudiya ng mga fishing vessel ng Jorey Fishing na pagmamay-ari ng mag-asawang Joel at Reyna Apolinario ng KAPA (Kabus Padatoon) Ministry International Inc.
Ayon kay Christian Robert Nieto, acting station commander ng PCG-GenSan, makikipag-ugnayan pa sila sa korte dahil wala pang natatanggap ang kanilang opisina na formal order hinggil sa mga na-freeze na assets ng KAPA kung saan kasali dito ang Jorey Fishing.
Subalit nakarating sa PCG-GenSan na mula nitong Hunyo ay hindi na nag-o-operate ang Jorey Fishing base na rin sa mga nakuhang impormasyon sa PCG substation sa Fishport Complex.
Tiniyak naman ni Nieto na kung mayroon na silang court order ay kanilang iho-hold ang nasabing mga bangka.
Napag-alaman na nagpalabas ang Court of Appeals ng freeze order sa mga assets ng KAPA matapos ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang naturang investment scam.