-- Advertisements --

NAGA CITY – Libo-libong isda ang namatay matapos umanong aksidenteng mag-leak ang ammonia mula sa isang kompanya sa Barangay Sagurong Pili, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Punong Barangay Romeo Plegino, sinabi nitong nagulat na lamang ang mga residente sa kanilang lugar nang bumulaga sa kanila ang mabahong amoy ng kemikal.

Kinalauna’y nalaman nilang nagmula ito sa Polytrade, isang manufacturer at distributor ng purified ice at mga manok sa lugar.

Napag-alaman na aksidenteng naputol ang isa sa mga pipeline kung saan dito sumingaw ang ammonia na ginagamit bilang pampatigas ng yelo sa naturang kompanya.

Ayon pa sa kapitan, nagkaroon ng komosyon matapos lusubin ng mga residente ang kompanya habang may dalang mga patalim ngunit agad namang napakalma.

Kaagad din aniya niyang kinausap ang isa sa mga manager ng kompanya at pinaalalahanan na huwag i-discharge ang tubig na may kemikal sa Binasagan River.

Ngunit sa kabila ng pagsang-ayon nito, sa ilog pa rin ibinagsak ang mga kemikal na ikinamatay ng karamihang mga tilapia.

Sa ngayon, hangad ng opisyal na maimbestigahan ng mga otoridad ang insidente para matukoy kung sino ang may pananagutan.