-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malacañang na pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Bill.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, napapanahon ang FIST Law lalo sa na ngayong panahon ng pandemya at napapasalamat sila sa Kongreso sa pagpasa ng panukalang batas na sinertitpikahang urgent ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Sec. Roque, inaasahang papalakasin ng batas ang ating financial sector na kinakailangan sa muling pagbangon ng ekonomiya.

Inihayag ni Sec. Roque na kinikilala ng estado ang mahalagang papel ng mga bangko at financial institutions bilang mobilizers ng savings at investments.

Sa ilalim ng batas, lilikha ng specialized asset-managing corporations na mag-acquire ng mga “bad loans and stagnant properties” mula sa paluging financial institutions.

Nakasaad din sa batas na ang FIST corporations ay maaaring mag-invest sa mga financial institutions o i-acquire ang kanilang non-performing assets (NPAs) at humikayat ng mga third parties para pangasiwaan, kolektahin at i-dispose ang mga nasabing NPAs.

Layunin din ng batas na tanggalin ang mga hadlang o sagabal sa pagkuha o acquisition ng mga non-performing assets, pagtulong sa rehabilitasyon ng mga nahihirapang negosyo at pagpapabuti sa liquidity ng financial system.