KORONADAL CITY – Nananatili ngayon sa Barangay Gym sa bayan ng Tampakan, South Cotabato ang nasa halos 30 pamilya na inilikas matapos na manalasa ang malakas na tubig baha at landslide sa nabanggit na bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tampakan Mayor Leonard Escobillo, ang mga apektadong pamilya ay nagmula sa Purok Sun Flower, Brgy. Lampitak na nakatira sa gilid ng sapa kung saan umabot sa lampas tuhod ang tubig-baha.
Ayon kay Mayor Escobillo, bago pa man ang pagbuhos nag ulan ay nagsagawa na sila ng clearing operation ngunit dahil malakas ang ulan kaya’t nag-overflow ang tubig baha at nalubog ang kabahayan.
Upang maiwasan na may mapahamak ay agad na inilaikas ang mga apektado ng baha at planong e-relocate dahil delikado na umano ang pagtira sa nabanggit na lugar.
Agad din umanong binigyan ng food packs ang mga apektadong pamilya.
Samantala, naitala rin ang pagguho ng lupa sa Sitio Kampo Kilot, Barangay Pulabato na nagdulot ng pagkaabala sa mga residente sa lugar.
Ilang oras din na hindi madaanan ang lugar na naitala ang landslide ngunit dahil sa isinagawang clearing operation, passable na ito sa ngayon.