Umaasa si Defense Sec. Delfin Lorenzana na magagawa na ng gobyerno na mapababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila bago matapos ang buwan ng Setyembre.
Sa pulong ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team sa lungsod ng Caloocan, sinabi ni Lorenzana na ito raw ay upang maibaba na sa mas magaan na Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Kalakhang Maynila.
“Ang ating layunin sa buwan na ‘to ay ma-flatten tayo o ‘di kaya mas maganda kung maibaba natin ‘yung curve para siguro pagkatapos ng buwan ng Setyembre ay makapunta na tayo ng MGCQ at medyo maluwag-luwag ‘yung buhay ng mga tao,” wika ni Lorenzana.
Tiniyak din ng kalihim na ang CODE teams na binuo ng Inter-Agency Task Force at ng pribadong sektor ay available para sa paglaban sa virus.
Ang CODE teams ay binubuo ng mga national at local health officials at iba pang mga katuwang na personalidad sa ground.
Sa ilalim ng CODE strategy, ang sinumang makikitaan ng sintomas ng COVID-19 ay isasailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test o swab test.
Habang ang mga indibidwal namang na-expose sa mga nagpakita ng sintomas ay isasailalim sa isolation.
Nagpaalala naman si Lorenzana sa ibang mga opisyal na huwag umanong katakutan ang COVID-19, lalo na’t mababa ang fatality rate.
“‘Wag tayong matakot sa COVID na ‘to dahil ‘yung iba kasing tao parang pagka nagkaroon ng COVID eh pinandidirihan ng kaniyang kapitbahay. Hindi, kasi ang casualty rito ay one percent lang, one percent, mas marami pang namamatay sa influenza at saka pnuemonia kaysa sa COVID,” anang kalihim.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Health, lumobo pa sa 3,790 ang death toll sa bansa, habang ang kabuuang bilang ng mga kaso ay umakyat pa sa 234,570.
“Ang key dito is malaman natin kung sino ang may COVID early, kasi lahat, siguro mga 99 percent ang nagsu-survive dyan eh gumagaling, gumagaling ‘yung nagkaroon ng COVID,” dagdag nito.