Pinag-aaralan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang posibilidad ng flexible internship o on-the-job training (OJT) program para sa mga college students.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni CHED Executive Director Cinderella Filipina Benitez-Jaro na pinag-aaralan na ng komisyon ang kombinasyon ng offline at online courses para sa mga internship sa pagbubukas muli ng klase sa Agosto.
“Gusto natin na magkaroon pa rin ng continuity of education despite the pandemic. Sa ating mga kurso o programa na may internship o OJT, ang pinag-aaralan natin ay magkaroon ng flexible mode,” wika ni Benitez-Jaro.
“Ibig sabihin, ‘yung mga parte na kaya nating gawin na online, wala pa namang skills-based, wala pa namang nangangailangan ng limited face-to-face classes, ay gawin sa pagsisimula ng academic year,” dagdag nito.
Habang doon naman sa mga nangangailangan ng limtadong in-person classes, inihayag ng opisyal na posibleng gawin na ito sa dulong bahagi ng semestre.
Una rito, sa ginanap na pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF), sinabi ni CHED Chairman Prospero De Vera III na ituturo sa first semester ang lahat ng mga theory-based subjects para sa mga college courses.
Samantalang ang mga laboratory courses ay gawin na lamang sa second semester.
“Uutusan natin ‘yung mga universities na lahat nung subjects na may lab, OJT, internship et cetera, i-reschedule nila sa second semester,” wika ni De Vera.
Iminungkahi din ng komisyon ang pagsasagawa ng limited face-to-face classes sa mga low-risk areas.