KALIBO, Aklan – Nananatili sa pagamutan ang isang babaeng flight attendant matapos ang kanyang self quarantine sa Aklan Provincial Hospital.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni Dr. Cornelio Cuatchon it Provincial Health Office (PHO), nagpasya ang 24-anyos na flight attendant na taga-Cavite na magpa-self quarantine matapos na makaramdam ng flu-like symptoms.
Ipinasuri na umano ang specimen ng pasyente sa Research Institute for Tropical Medicines upang malaman kung nag-positibo sa novel coronavirus.
Nabatid na pagkatapos na makaramdam ng ilang sintomas ng virus kasunod ng kanilang flight sa Wuhan City sa China ay dumulog ito sa isang doctor na siyang nag-refer sa kanya na magpa-quarantine sa ospital upang makasigurado.
Nilinaw rin ng pasyente na hindi siya nagkaroon ng direct contact sa mga naging pasahero nito mula sa naturang siyudad.
Napag-alaman na sa buong Pilipinas, ang Kalibo airport lamang ang may direct flight sa Wuhan, China.
May dalawang flight ito bawat araw sa paliparan, kung saan, ang pasahero ay may average na 150 hanggang 200.
Dahil dito, sinabi ni Dr. Lovell Labindao ng Bureau of Quarantine na maliban sa mano-mano pag-check sa mga pasahero mula sa nasabing siyudad ay dumadaan pa ang mga ito sa thermal scanner.Flight attendant galing Wuhan, China, nagpa-self quarantine.