Ipinunto ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang hindi pag uwi ni suspended Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo Teves ay tanda na ito ay guilty.
Ayon kay Secretary Remulla, “flight is an indication of guilt”, ito ay matapos na maglabas ng pahayag si Teves na fake news raw ang usap usapan na ngayong araw ang kanyang pag uwi sa bansa.
Dagdag pa ni Remulla, mas mahihirapan naman si Teves na magtago at magpalipat lipat ng bansa sakali mang siya ay makonsiderang fugitive.
Kung maaalala naglabas si Secretary Remulla ng pahayag kahapon, na ayon sa kanyang reliable source ay uuwi na ng bansa si Teves.
Samantala, ngayong araw din ay inihain ng National Bureau of Investigation ang patong patong na reklamo laban kay suspended Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. kaugnay ng pagpaslang kay dating Governor Roel Degamo.
Haharap sa reklamong multiple counts ng murder, frustrated murder at attempted murder si Teves ayon kay Secretary Remulla.
Matatandaan na bukod kay Degamo, mayroon pang siyam na namatay sa massacre doon sa Pamplona Negros Oriental samantalang labing pito naman ang sugatan.
Ang reklamo ngayong araw ay laban lamang kay Teves at wala pang impormasyon kaugnay naman sa mga mismong gunmen na sangkot sa pagpatay dahil ang imbestigasyon ay on-going parin.