NEW YORK CITY – Na-divert ang isang Delta Airlines flight mula Detroit patungong Amsterdam nitong Miyerkules ng madaling-araw matapos na mabigyan ang mga pasahero ng sirang pagkain.
Napunta ang flight sa New York’s JFK airport dahil sa isyu ngunit hindi pa nagbibigay ng buong detalye ang tagapagsalita ng Delta.
Ayon sa mga opisyal, ang bahagi ng in-flight chicken meal sa pangunahing cabin ay sira at ilang sakay ang sumakit ang sikmura.
Nabatid na ang medical crew ay agad na nagbigay ng lunas sa mga apektadong pasahero nang sila’y bumaba sa New York bandang alas-kuwatro ng umaga.
Mayroong 277 pasahero sa loob ng eroplano, ngunit hindi pa kinumpirma ng mga opisyal ng Delta ang eksaktong bilang ng mga naapektuhan ng sirang pagkain.
Ayon sa isang source na may kaalaman sa sitwasyon, mga 70 pasahero ang nagkasakit matapos kumain ng pagkain. (CBS)