Nag-emergency landing sa Haneda Airport sa Tokyo ang isang Philippine Airlines (PAL) flight mula Maynila matapos makitaan ng usok sa loob ng cabin, ayon sa Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes.
Ang PAL flight 102 ay umalis mula Maynila bandang alas-10 ng gabi nitong Miyerkules at agad na ini-divert papuntang Haneda matapos ang ulat ng usok. Ligtas naman ang lahat ng pasahero at crew, ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon.
Aniya, ligtas ang lahat, at kasalukuyang nakahimpil ang eroplano sa Haneda habang patuloy ang imbestigasyon.
Paglapag, agad na binuksan ang mga pintuan ng eroplano para i-ventilate ang cabin. Hindi pa tukoy ang pinagmulan ng usok habang isinasagawa ang masusing inspeksyon.
Nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa mga awtoridad ng Haneda upang mapabilis ang pagbaba ng mga pasahero, sa kabila ng pagkaabala ng airport staff sa iba pang flights.
Humingi rin ng tulong si Dizon kay Japanese Ambassador to the Philippines Kazuya Endo para iparating sa mga awtoridad sa Haneda ang kahalagahan ng agarang tulong.
Naabisuhan na rin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaugnay ng insidente. Binigyang-diin ni Dizon na dapat tiyakin ng mga airline ang kaligtasan at karapatan ng mga pasahero sa ganitong mga sitwasyon.