LAOAG CITY – Inihayag ng Bombo International News Correspondent na si Kai Marie Barroga mula sa Dubai na nagbalik na ang mga flights, pasok sa klase at opisina matapos ang halos tatlong araw na malakas na pag-ulan sa naturang bansa.
Gayunpaman, sabi niya na nagsasagawa ang gobyerno at ilang pribadong sektor ng work from home dahil inaayos pa ang mga sistema ng pampublikong transportasyon matapos pasukin ng tubig baha ang nga ito.
Aniya, kahit sumisikat na ang araw sa Dubai ay may mga ilang baha pa rin sa mga kalsada at tahanan kaya may mga nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Paliwanag niya, nawalan ng suplay ng kuryente ang karamihang bahay dahil sa naranasan nilang malakas na pagbuhos ng ulan at hampas ng hangin ngunit unti-unti itong naibalik nang bumuti ang lagay ng panahon sa bansa.
Dagdag pa niya, ilang pasahero ang na-stranded sa mga istasyon ng tren sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Kung maaalala, ang Dubai at ang buong United Arab Emirates ay madalang na nakakaranas ng pag-ulan.
Una rito, isang Public Advisory ang inilabas ng gobyerno sa Dubai sa publiko hinggil sa pananalasa ng malakas na pag-ulan.