Sinuspinde ang lahat ng flight mula Cauayan Airport papuntang Maconacon Airport, at vice versa, sa Isabela simula ngayong araw sa gitna ng search and rescue operation para sa nawawalang Cessna plane.
Ayon sa tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP na si Eric Apolonio na naglabas ng Notice to Airmen (NOTAM) sa mga airline operator, na nagpapaalam sa kanila ng pagsususpinde ng mga flight sa mga lugar na ito sa loob ng 24 na oras, simula ngayong Miyerkules ng hapon.
Ito aniya ay para bigyang daan ang search and rescue operations para sa Cessna RPC 1174 at sa anim na pasahero nito na nawawala simula noong Martes.
Sinabi ni Apolonio, na nakatanggap sila ng ulat na ang isang C206 plane na kinilalang RPC1174 ay hindi dumating sa kanilang destinasyon sa Maconacon Airport.
Kung matatandaan, umalis ang eroplano mula sa Cauayan Airport 2:15 ng hapon noong Martes at ang huling pakikipag-ugnayan nito sa air traffic controller ay 2:19 ng hapon noong nasa loob ito ng Naguillian Bridge at inaasahang darating sana ang eroplano sa Maconacon alas-2:45 ng hapon.
Sa kasalukuyan, dalawang helicopter at dalawang drone ang na-reposition at maaaring nang muling simulan ang paghahanap kapag naging normal na ang panahon sa nasabing lugar.