-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Inihahanda na ng dalawang airline companies ang apat na flights upang mapauwi ang 135 na mga turistang Chinese na dumating sa Kalibo International Airport kahapon ng umaga bago pa man ipag-utos ng Chinese government ang lockdown sa nasabing lungsod.

Hindi na idinetalye ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang schedule ng kanilang flights.

Ang Pan Pacific Airlines at Royal Air Philippines ay kapwa may direktang flights sa Wuhan City sa Kalibo airport.

Ang 135 na pasahero na pawang Chinese nationals na magdiriwang sana ng Chinese New Year sa Boracay ay nakasakay sa Royal Air flight RW 999 na lumapag sa paliparan kahapon.

Samantala, sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr., mas pang pinahigpit ang kanilang monitoring sa bagong coronavirus sa pamamagitan ng handheld thermal scanners.

May inihanda na rin silang isolation room at isang ambulansiya sa paliparan para sa mga pasahero na kailangang isailalim sa quarantine na may mataas na body temperature.

Activated na rin umano ang kanilang communicable disease preparedness procedures at pinayuhan ang kanilang mga airport frontline personnel na panatilihin ang kalinisan at palahging maghugas ng kamay. Subalit personal choice at hindi mandatory ang pagpapasuot ng face mask.

Sa kasalukuyan ay nakapagtala na ng limang suspected cases ng n-coronavirus, ngunit pagkatapos na ma-check ng mga doktor sa Aklan Provincial Hospital ay agad na nakalabas ang mga ito.

Ang pinakahuli dito ay ang 18-months old na bata mula Nanjing, China.

Ang Kalibo International Airport ay may 30 international flights bawat araw na karamihan ay nagmula sa Wuhan, Shendou at Nanjing sa China.

May direct flight rin ito sa Korea at Taiwan.