NAGA CITY – Naglunsad ang Philippine Coast Guard (PCG)-CamSur ng floating community pantry sa karagatang sakop ng Balatan, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt. Ailene Abanilla, Station Commander ng PCG-CamSur, sinabi nito na layunin ng naturang floating pantry ang makapagbigay ng tulong sa mga maliliit na mangingisda.
Kahapon, sa unang araw ng nasabing pantry, nakapagbigay ito ng tulong sa nasa 75 na mga mangingisda sa naturang lugar.
Ayon kay Abanilla, handog ng naturang pantry ang mga gulay, bigas, itlog, grocery at iba pang pagkain na pwedeng maiuwi ng mga ito sa kanilang pamilya.
Dagdag pa ni Abanilla, katuwang ng ahensiya ang lokal na gobyerno ng Balatan, mga nasa private sectors, bantay dagat, gayundin ang mga coast guard auxiliary sa pagsasagawa ng nasabing programa.
Sa ngayon, patuloy umano silang naghahanap ng mga donors para maipagpatuloy ang floating pantry sa iba’t-ibang bahagi ng karagatang sakop ng lalawigan ng Camarines Sur.
Panawagan na lamang ni Abanilla, na mas dumami pa ang magpaabot ng tulong at suporta sa kanilang programa para makatulong sa mga maliliit na mga mangingisda lalo na ang mga labis na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at ng kasalukuyang banta na dala ng COVID-19 pandemic.