Muling naglabas ang state weather bureau ng General Flood Advisory para sa limang rehiyon sa bansa ngayong araw.
Kinabibilangan ito ng CAR ( Cordillera Administrative Region), Region 1 (Ilocos Region), Region 2 (Cagayan Valley), Region 4A (CALABARZON), Region 5 (Bicol Region), at Region 8 (Eastern Visayas).
Ang banta ng pagbaha ay dahil pa rin sa lalo pang paglapit ng bagyong Ofel sa kalupaan ng Pilipinas.
Inaasahan ang pagbagsak ng katamtaman hanggang sa mabibigat na ulan sa mga sumusunod na lugar:
Sa Eastern Visayas: Northern Samar, Eastern Samar, Biliran, Samar, at Southern Leyte.
Sa CAR: Benguet, Mt. Province, Apayao, Ifugao, Kalinga, at Abra.
Apektado rin ang lahat ng probinsya sa Ilocos Region tulad ng Ilocos Sur, Ilocos Norte, Pangasinan, at La Union.
Sa Cagayan Valley, apektado ang mga probinsya ng Isabela, Quirino, Cagayan, at Nueva Vizcaya.
Sa Calabarzon, tanging ang probinsya ng Quezon ang tinukoy na apektado sa General Flood Advisory.
Ang mga naturang lugar ay dati nang nakaranas ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga nakalipas na linggo mula pa noong manalasa ang STS Kristine noong kalagitnaan ng Oktubre.