-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Kinumpirma ni eight-division world champion Sen. Manny Pacquiao na nagpahayag ng kagustuhang makipag-meeting sa kaniya si retired unbeaten American boxer Floyd Mayweather Jr.

Ito ang sinabi ng “Fighting Senator” sa panayam ng Bombo Radyo Gensan, matapos nitong manumpa sa Camp Herminigildo Agaab sa 1002nd Brigade, Philippine Army sa Malungon, Sarangani, bilang brigade commander ng 2203rd Army Reserve Command na nakabase sa Isulan, Sultan Kudarat.

Manny Pacquiao/ FB post

Aniya, sa Martes pa ito babalik ng Maynila, kaya’t bukas din malalaman kung magkakaroon sila ng pag-uusap ni Mayweather kasabay ng pagbabakasyon nito sa Pilipinas.

Kaya naman hindi pa umano nito matitiyak kung sino ang kaniyang sunod na makakalaban, o kung ngayong taon na magaganap ang inaabangan ng lahat na Pacquiao-Mayweather rematch.

Samantala, bukas rin umano si Pacquiao sa posibilidad na makaharap si Errol Spence Jr. o kaya ay si Keith Thurman, depende na lang sa magiging resulta ng mga pag-uusap.