-- Advertisements --

Babalik umano sa ibabaw ng boxing ring si Floyd Mayweather Jr, kahit na hindi pa tukoy sa ngayon kung sino ang kanyang kakalabanin.

Ito ang paniniwala ng kanyang ama na si Floyd Sr. kasunod ng mga ulat na sasabak muli sa isang boxing match ang retired American superstar.

Ayon sa nakatatandang Mayweather, sigurado raw ito na hindi pa nakikita ng mga boxing fans ang pagtatapos ng career ng kanyang anak.

Kung siya naman daw ang tatanungin, mas gusto nito para kay Floyd Jr. ang isang rematch kontra kay Pinoy legend Sen. Manny Pacquiao, o laban naman kontra kay Keith Thurman.

Matatandaang tinalo ni Pacquiao si Thurman sa kanilang pagtutuos noong Hulyo upang maagaw ang WBA “super” welterweight title.

Nitong nakalipas na araw nang mag-post si Mayweather sa kanyang Instagram account na nagsasanay sa isang boxing gym kung saan kita pa rin ang lakas ng American pug sa punching ball.

Kita sa nasabing post ang Mayweather Promotions kaya’t muling nabuhayan ng loob ang mga boxing fans sa posibilidad na matuloy ang Pacquiao-Mayweather mega bout.