-- Advertisements --

Lumobo pa ang kaso ng mga flu-like illness at Severe Acute Respiratory Infection (ILI/SARI) sa Cordillera Administrative Region (CAR) kasabay ng labis ding pagbagsak ng temperatura sa naturang rehiyon.

Batay sa datus na inilabas ng Department of Health, lumubo ng 156% ang mga kaso ng mga flu-like illness sa naturang rehiyon sa kabuuan ng 2024 kumpara noong 2023.

Sa pagtatapos ng 2024, umabot na sa 22,144 ang naitala sa rehiyon habang 8,639 lamang ang kabuuang kaso sa sinundan nitong taon, malaking porsyento nito ay mula sa lungsod ng Baguio.

Dahil dito, ipinaalala ng DOH sa mga residente ang ibayong pag-iingat lalo na at tuluy-tuloy ang paglakas ng Amihan ngayong buwan.

Ayon sa ahensiya, madalas dumarami ang mga nagkakaroon ng respiratory disease tulad ng ubo at sipon kapag malamig ang temperatura o tuwing cold season.

Ngayong buwan ng Enero, una nang pumalo sa 12.3° Celsius ang pinakamababang temperatura at naranasan ito sa bayan ng Sto. Tomas, Benguet.