-- Advertisements --
pagoda fluvial penafrancia Naga city
Fluvial procession (file photo)

NAGA CITY – Aminado ang Philippine Coast Guard (PCG) na magiging pahirapan ang mangyayaring fluvial procession ng imahe ni Nuestra Señora de Peñafrancia sa darating na Setyembre 21.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay ENS Bernard Pagador Jr., station commander ng PCG-Camarines Sur, sinabi nitong base sa kanilang monitoring sa level ng tubig sa Naga River, alas-9:00 ng umaga ang high-tide habang alas-4:00 ng hapon naman ang low-tide na siyang oras para sa nasabing prusisyon.

Ayon kay Pagador, ito ang pinakaunang beses na mababa masyado ang lebel ng tubig na puwedeng magresulta sa pagsadsad ng pagoda at ilang mga bangka.

Kaugnay nito, pagdating ng hightide, isasara na aniya ang mga flood gates ng Naga River para sakaling dumating ang low-tide ay mataas pa rin ang level nito.

Samantala, nakahanda naman aniya ang water cluster at mga floating assets sa mga hindi inaasahang pangyayari.

Ang fluvial procession ang pagbabalik ng mga imahe ni Nuestra Señora de Peñafrancia at El Divino Rostro mula sa Metropolitan Cathedral hanggang Basilica Menore na idadaan sa Naga River.