ROXAS CITY – Opisyal nang ipinasara ang isang FM radio station sa Roxas City na Radyo Todo FM.
Ito ang kinumpirma ni Mrs. Carmen Andrade, ang city business affairs consultant sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.
Ayon kay Andrade, kasama nila ang mga opisyal mula sa City Licensing Division, Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP) ay kanilang inimplementa ang closure order laban sa naturang radio station.
Inihayag ni Andrade na nabigo ang pamunuan ng naturang radio station na makapagsumite ng kanilang permit mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Aniya noong Abril 10, ngayong taon pa ang naturang closure order ngunit umapela ng palugit ang pamunuan ng naturang radio station hanggang Mayo 31.
Sa kabila ng naging palugit ay nabigo pa rin itong makapagsumite ng permit kung kaya’t agad na itong ipinasara ng City Licensing Division.