-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inihahanda na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong double parricide sa amang suspek sa pamamaslang ng magkapatid na menor de edad sa Baras, Catanduanes.

Patay sa saksak ang dalawang batang babae na edad 8 at 9-anyos nang maabutan ng mga otoridad habang nagtangka pang umatake sa mga pulis ang suspek na kinilala sa pangalang “Rol”, 45-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Mark Barlis, hepe ng Baras PNP, naka-hospital arrest pa sa ngayon ang suspek na sumailalim sa operasyon subalit may mangilan-ngilan na ring nababanggit na detalye.

Salaysay umano ng suspek, madalas silang mag-away nang asawa na nasa abroad dahil sa pagkalulong sa sugal.

Kinumpirma rin nito na nasa ilalim siya ng impluwensya ng alak nang mangyari ang krimen.

Samantala, isinailalim na rin sa drug test ang ama ng mga biktima habang hinihintay pa ang resulta.

Malaking palasaipan din sa mga kapitbahay ng mag-aama kung paanong umabot sa sukdulan ang pangyayari lalo pa’t kilalang mabuting tao sa barangay ang suspek.