KORONADAL CITY – Kaagad tumugon ang South Cotabato provincial government sa pagbibigay ng tulong para sa mga residenteng apektado ng magnitude 6.5 na lindol sa North Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay DSWD-12 spokesperson Dennis Domingo, kanila nang ipinadala mga personnel papunta sa mga apektadong bayan ng Kidapawan, M’lang at Tulunan upang maghatid ng tulong kung saan nasa P1 milyon halaga ng food assistance ang kanilang napamahagi sa naturang mga bayan.
Maliban dito, ipinadala rin ang mga stress debriefers upang pakalmahin ang mga taong na-trauma sa nasabing lindol.
Ipinag-utos naman ni South Cotabato governor Reynaldo Tamayo Jr. ang paglalaan ng P2 milyon na tulong para sa North Cotabato, ganunpaman kailangan nilang makipag-ugnayan sa North Cotabato provincial government upang maiwasan ang duplication o pagdodoble ng mga suplay.
Una nang nanawagan ang mga residente na labis nilang kailangan ang suplay ng pagkain, tubig, gamot, damit, sleeping kits, tent at flashlight bunsod sa walang suplay ng kuryente matapos ang malakas na lindol.
Maging si Tulunan Vice Mayor Maureen Villamor ay aminadong limitado lamang ang tulong na kanilang natatanggap.