Muling nagpaalala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa napipintong suliranin sa Asia-Pacific region sa usapin ng food security, isyu ng kalusugan at climate change.
Sa naging pagdalo ni Pangulong Marcos sa APEC CEO summit, umapela ito sa kapwa mga lider na paigtingin ang kooperasyon sa rehiyon para matugunan ang structural at policy issues sa mga nasabing sitwasyon para maiwasan ang problema.
Ayon sa pangulo, kailangang magsamasama ang lahat ng gobyerno sa Asia-Pacific region para mas mabilis na umusad ang mga ekonomiya ng mga bansa sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming trabaho, bawasan ang antas ng kahirapan at paigtingin ang pagkakapantay pantay ng lahat.
Tinuran ni Pangulong Marcos na nangangailangan ng pagtutok ay ang seguridad sa pagkain, pandaigdigang sistema sa kalusugan at climate change.
Iginiit ng pangulo na dapat prioridad ng lahat ng gobyerno ang isang flexible na mga patarakan para matiyak na mapataas ang domestic food productions at mapahusay ang local agricultural supply at value chain.
Umapela rin ito sa pagpapalakas ng global health system sa katwirang hindi na kakayanin pa ng pandaigdigang ekonomoiya ang panibagong serye ng lockdowns at travel bans.
Binigyang diin pa ng punong ehekutibo ang pangangailangan ng mas malakas at matibay na aksyon para malabanan ang epekto ng climate change.