Pinaalalahanan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang mga food delivery riders na palaging sumunod sa mga Public Health safety protocols.
Ito’y matapos na makarating ang mga sumbong sa PNP na may mga Rider na hindi nakasuot o hindi tamang magsuot ng facemask habang pini-pick up sa restaurant ang order ng mga customer o kaya’y naninigarilyo sa waiting area.
Dahil dito, inatasan ni Eleazar ang chiefs of police at station commanders na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga LGUs at pati na rin sa mga manager ng business establishments upang mahigpit na maipatupad ang mga protocols laban sa COVID-19.
Bilin naman ni Eleazar sa mga pulis na maging magalang at obserbahan ang Maximum tolerance sa pagsita sa mga rider na lumalabag sa Health protocols bilang konsiderasyon din sa hirap ng kanilang trabaho.
Nanawagan din si Eleazar sa mga mamayan na agad na iparating sa PNP sa pamamagitan ng E-sumbong ang mga larawan at video ng makikita nilang paglabag sa mga Health protocols para agarang maaksyunan ng mga pulis.
“Alam natin ang hirap at sakripisyo ng ating mga delivery riders ngayong pandemya. Pero kung may mapapansin ang ating kapulisan na mga riders na hindi sumusunod sa minimum public health safety standards at quarantine protocols ay tatawagin natin ang kanilang pansin at paalalahanan,” pahayag ni Eleazar.