CAUAYAN CITY – Nagbigay na rin ng paunang tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela para sa mga biktima ng magkasunod na lindol sa lalawigan ng Batanes.
Ito ang kinumpirma ni Isabela 1st District Rep. Antonio Albano sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan.
Ayon kay Albano, batay sa patuloy nitong pakikipag-ugnayan kay Isabela Governor Rodolfo Albano III ay mayroon na umanong 500 relief packs ang kanilang ipinadala sa pamamagitan ng Philippine Air Force na nakahimpil sa Tactical Operations Group 2 Cauayan City.
Nagpadala rin umano sila ng ilang unit ng water purifying system para matiyak na malinis ang tubig na iinom ng mga residente sa Itbayat, Batanes.
Inaasahan naman ni Albano ang pagdating ng C130 Airplane bukas para mas marami pa ang maipapadalang relief packs mula sa lalawigan.