Masyado raw pinagtutunan ng pansin ng Department of Agriculture (DA) na pababain ang presyo ng mga pagkain sa bansa kaysa suportahan ang food production.
Ito ang naging patutsada ng Philippine Chamber of Food and Agriculture (PCAFI) dahil tila mas pinapaboran umano ng gobyerno ang mga konsyumer at hindi ang agriculture production.
Ayon kay PCAFI President Danilo Fausto, hindi raw malayo na dumating ang panahon na tuluyang dedepende ang Pilipinas sa imports.
Mali aniya na basta na lang iwan ng pamahalaan ang food security ng bansa sa kamay ng mga imports imbes na mag-focus sa mga hakibang para pataasin ang agricultural productivity at efficiency mula sa pagpapalawig ng rural communities.
Kung pag-uusapan naman daw ang performance ng agriculture sector sa unang tatlong buwan ng 2021, sinabi ni Fausto na mas makabubuti kung hihintayin na lang na ilabas ang Q1 performance ng agriculture sector.
Nakatakdang ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong araw ang performance ng agriculture sector.
Bahagayang nakaramdam ng pressure ang DA dahil sa apela ng publiko na pababain ang presyo ng mga pagkain, partikular na ang karneng baboy.
Upang tugunan ito ay naglatag ang DA ng iba’t ibang patakaran para ayusin ang supply ng baboy sa bansa dahil na rin sa naranasang kakulangan sa suplay bunsod ng African Swine Fever (ASF).
Kabilang sa mga proposal na ito ay ang pansamantalang pagbaba sa taripa ng mga pork imports, gayundin ang pagdagdag sa minimum access volume (MAV) allocation ng mga baboy.
Nagresulta naman ito ng gusot sa pagitan ng ahensya at Senado.
Ito ay dahil hindi nagustuhan ng Senado ang inilatag na proposal ng DA at nagpahayag din ito ng pagkabahala sa posibleng negatibong impact nito sa pagpasok ng mas marami pang pork imports sa bansa lalo na’t naghihingalo ang local hog industry. Kalaunan ay nagkaroon na rin ng kompromiso sa pagitan ng magkabilang panig ukol sa naturang paksa.
Paglilinaw ni Fausto, hindi naman daw masama kung pabababain ang presyo ng mga pagkan pero dapat aniyang isaisip ng ahensya na ang presyo ay base sa supply at demand ng isang produkto.
Una nang tiniyak ni DA Sec. William Dar na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng COVID-19 pandemic.