-- Advertisements --

Inaasahang idedeklara ang food security emergency sa araw ng Miyerkules, Enero 22.

Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, inihayag ni Department of Agriculture (DA) spokesperson ASec. Arnel de Mesa, inaasahang matatanggap na ng ahensiya ang kopiya ng resolution na nag-aapruba ng rekomendasyon na magdeklara ng food security emergency at pag-aaralan mula sa Lunes hanggang Martes.

Sa ilalim kasi ng batas na nag-aamyenda sa Agricultural Tarrification Act o Republic Act 12078, may kapangyarihan ang Agriculture Secretary na magdeklara ng food security emergency sa bigas dahil sa kakulangan ng suplay o di naman kaya ay dahil sa labis na pagtaas ng presyo ng bigas.

Nauna naman ng ipinaliwanag ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. na justified o makatarungan ang pagdedeklara nito dahil mayroong sapat na datos para suportahan ang naturang hakbang.

Tinukoy din ni ASec. De Mesa na ang panukalang magdeklara ng food security emergency ay dahil sa “extraordinary increase ng bigas” at hindi pa rin gaanong bumababa ang presyo nito sa kabila pa ng pagtapyas ng taripa para sa imported rice.