Oobligahin na ang mga food stamp beneficiaries ng Department of Social Welfare and Development na mag-enroll sa job programs ng Department of Labor and Empoloyment at Technical Education and Skills Developnment Authority.
Ito ay upang hindi masanay ang mga benepisyaryo na umasa lamang lagi sa ayuda na ipapaabot ng pamahalaan.
Ayon kay DSWD Asec. Romel Lopez, layunin nito na tulungan ang mga benepisyaryo na makahanap ng kanilang mga trabaho sa tulong ng iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Aniya, bukod sa DOLE at TESDA ay tutulungan din ng kanilang ahensya na makapag-enrol ang mga ito sa mga job-generating programs ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry upang makakuha pa sila ng iba pang mga necessary skills upang matutunan ng mga ito ang livestock farming at gayundin ang pagsasaka.
Kaugnay nito ay una nang ipinaliwanag ni DSWD Usec. Eduardo Punay ang mga requirements na ito ay layuning tuldukan ang “culture of dependency” ng mga Pilipino sa tulong pinansyal na ipinagkakaloob ng gobyerno.
Ayon sa DSWD, tinatayang aabot sa PHP40-billion ang budget na requirement para sa food stamps program kabilang na ang PHP3,000 kada buwan na allowance ng target na isang milyong mahihirap na pamilya.
Ang mga benepisyaryo ay bibigyan ng “electronic benefit transfer card” na lalagyan ng food credits para makabili ng piling listahan ng mga food commodities mula sa DSWD-registered o accredited local retailers.
Target simulan ang pilot run ng food stamp program ng DSWD sa buwan ng hulyo sa National Capital Region, Caraga, MIMAROPA, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.