Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinitingnan ng pamahalaan ang pagpapalawig pa ng Food Stamp program ng DSWD sa ibang parte ng bansa simula sa susunod na buwan kasunod ng matagumpay na paglulunsad ng programa.
Inihayag din ng punong ehekutibo na tinitingnan na rin ang nasa 3,000 pamilya na magiging benepisyaryo.
Sa kasalukuyan kasi, mayroong 100 benepisyaryo ang food stamp program sa buong bansa.
Pinasalamatan naman ni PBBM ang international sponsors gaya ng UN World Food Programme, Asian Development Bank, at gobyerno ng France sa tulong ng mga ito sa programa ng Pilipinas
Samantala ayon sa PCO, nagsumite na ang DSWD ng isang draft executive order na nagdedeklara sa FSP bilang flagship program ng pamahalaan na nag aatas sa lahat ng national government agencies, mga lokal na pamahalaan at government-owned or -controlled corporations para suportahan ang implementasyon nito.
Pinagaaralan na rin aniya ng Office of the Deputy Executive Secretary for General Administration ang naturang draft.
Una ng inilunsad ang pilot testing ng programa noong Hulyo 18 sa Tondo, Manila na layuning malabanan ang kagutuman gamit ang food credit cards.