-- Advertisements --
indonesia stampede

Iniulat ni Bombo international news correspondent Jethromel Meneses sa Indonesia na hindi na nakapagtataka ang nangyaring stampede sa football match sa nasabing bansa na ikinamatay ng mahigit 100 katao.

Maliban sa mga naitalang namatay ay dose-dosenang iba pa ang nasugatan at kasalukuyang ginagamot sa iba’t ibang ospital sa nasabing bansa.

Ayon kay Meneses, gustong-gusto ng mga Indonesians ang manood ng football kung saan tuwing may football match ay dagsa ang mga nanonood.

Sinabi pa ni Meneses na simula noong 1994 ay marami na ang naitalang namatay dahil sa mga football related incidents sa Indonesia.

Kinumpirma ni Meneses na 35 mula sa mga naitalang biktima ay namatay sa loob mismo ng stadium habang ang iba ay namatay habang ginagamot sa ospital.

Dahil sa nangyari, ayon kay Meneses ay pinag-aaralan na ng Football Association sa Indonesia kung ano ang dapat gawin para maiwasang maulit ang nangyari.

Una rito, sinabi ni Meneses na hindi na nakontrol ng mga otoridad ang mga galit na galit na supporters ng team na Arema FC matapos matalo ang team sa mismong home court nila laban sa Persebaya Surabaya sa East Java.