KALIBO, Aklan—Ikinatuwa ng mga football enthusiast ang pag-angat ng women’s national football team na Filipinas sa FIFA ranking.
Ayon kay David Abella, isang football analyst na nakabase ngayon sa Milan, Italy na welcome development ito para sa koponan kung saan, magsisilbing motivation nila sa nakatakdang pagsabak sa FIFA Women’s World Cup na gaganapin sa mga susunod na buwan.
Mula sa dating 53 ay naging pang 49 sila ngayon sa pwesto ngunit sinabi ni Abella na wala itong katiyakan dahil may tyansa aniya na tataas o bababa pa ito depende sa kanilang performance sa mga laro.
Dagdag pa ni Abella na malaking tulong sa koponan ang pag-angat ng kanilang rankings at sa katunayan ay itinuturing itong pinakamataas na ranking ng Filipinas.
Matatandaang isa sa naging yabe sa pag-angat ng ranking ng Filipinas ay ang mga manlalaro gaya nina Hali Long, Inna Palacios, Quinley Quezada, Tahnai Annis ag Olivia Davies-McDaniel.
Huling nakaengkwentro ng Filipinas ang mga malalakas na koponan sa buong mundo gaya ng ranked 16th na Iceland, ranked 25 na Scotland at ranked 32 na Wales sa Pintar Cup na ginanap sa Spain.