Nagkasundo ang mga players ng Juventus at manager Maurizio Sarri na huwag muna silang suwelduhan sa loob ng apat na buwan upang makatipid ang kanilang team.
Ang hakbang ng club ay sa gitna na rin ng malaking kalugian ng mga koponan nang isuspinde ang mga games sa Europe dahil sa coronavirus crisis.
Sinasabing makakatipid ang kanilang team ng tinatayang 90 million euros (£80.7m).
Lahat ng mga laro sa Italya ay suspindido hanggang April 3.
Pero duda ang ilang observers na tatagal pa ito dahil sa epicenter na ngayon sa Europa ang naturang bansa dahil sa dami ng mga namamatay.
Kabilang sa bahagi ng Juve squad ay ang superstar Portugal forward na si Cristiano Ronaldo at Wales midfielder Aaron Ramsey.
Sakop ng kanilang salaries na hindi muna tatanggapin ay mula nitong March, April, May at June.
Si Ronaldo ay kabilang sa itinuturing na highest paid player sa mundo.
“Juventus would like to thank the players and the coach for their commitment at a difficult time for everyone,” bahagi ng statement ng club, na champion ng Italy sa nakalipas na eight seasons.
Bago ito ang iba pang players ng major European clubs, kabilang ang German sides na Bayern Munich at Borussia Dortmund ay pumayag na rin sa pay cuts.