LEGAZPI CITY- Nakaalerto na ang mga otoridad para sa pagmomonitor at pagbabantay sa magiging sitwasyon ng bulkang Bulusan, matapos na itaas ang Alert Level Status nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engr. Raden Dimaano, head ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nakahanda na ang mga kakailanganing mga kagamitan at may nakaantabay na ring mga food packs sakaling pumutok ang bulkan.
Paliwanag ng opisyal, mas kailangang makapaghanda na ngayon lalo pa’t mas malaki na ang tyansang magkaroon ng phreatic eruption ngayong nasa Alert Level 1 na ang bulkan.
Nakadepende umano ang kanilang ahensya sa magiging mga advisory at rekomendasyon na ipapalabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, sakaling kailanga nang palikasin ang mga residente sa apat na mga barangay na nasa loob ng 4 kilometer permanent danger zone.
Ayon kay Dimaano, sa ngayon ay wala pa silang ipinapatupad na evacuation, ngunit mas mainam aniyang maging alerto ang mga residente dahil anumang oras ay posibleng magkaroon ng pagputok.
Samantala, pinag-uusapan na umano nila ang posibleng pagpaparelocate sa 70 mga bahay na nasa loob ng permanent danger zone ng bulkang Bulusan.