CEBU CITY — Ipinatupad ang force evacuation sa tatlong sitio sa Brgy. Biga, lungsod ng Toledo, Cebu matapos ang nangyaring landslide sa Carmen Copper Corporation.
Ayon sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Brgy. Biga Kapitan Pedro Sepada Jr. na planong lumikas ang mga residente na nasa 500-meter danger zone batay sa kanilang meeting kasama ang Toledo City PNP, DSWD, at CDRRMO.
Sinabi ni Sepada na nasa apat na areas ang apektado sa naging sitwasyon kasama na rin ang dating recreation center ng Atlas Mining at ang bagong covered court ng barangay.
Nasa 400 households o higit 2,000 mga indibidwala ng apektado sa naging hakbang ng LGU matapos na nakita ng geologist ang mga malaking bitak ng lupa sa area habang naranasan ang landslide sa CCC.
Sa ngayon, makikipag-usap si Sepada sa mga kinauukulang ahensya upang pag-usapan ang susunod pang mga hakbang para sa mga naapektuhang residente.