KORONADAL CITY – Nadagdagan pa ang mga lumikas na pamilya dahil sa malawakang baha na nararanasan ngayon ng dalawang barangay sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Ito ang kinumpirma ni Barangay Kapitan Anabel Alvero ng Barangay Sison sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Alvero nasa 25 pamilya ang ni-rescue matapos na umabot hanggang baywang ang tubig-baha at naging isla ang kanilang lugar sa Barangay Sison.
Samantala, nasa 30 pamilya rin ang isinailalim sa forced evacuation sa Barangay Biwang dahil pa rin sa pagbaha.
Sa ngayon, nadagdagan pa ang mga lumikas kung saan nasa higit 400 indibidwal na ang nasa mga evacuation center.
Ekta-ektaryang mga taniman ng palay naman ang nasira sa initial assessment ng MDRRMO.
Napag-alaman na umapaw ang tubig sa Allah river kaya’t nasira din ang dike na naging dahilan ng malawakang pagbaha.