-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ipinag-utos ni Governor Eleanor Bulut-Begtang ang pagsasagawa ng forced evacuation sa mga residente ng Apayao na nakatira sa mga lugar na kadalasang nakakaranas ng pagbaha at pagguho.

Dahil sa banta ng bagyong Ramon ay idineklara ng gobernador ang red alert sa lalawigan ng Apayao kasabay ng pagsasailalim sa red alert status ng buong Cordillera Administrative Region.

Samantala, sa lalawigan ng Abra ay suspendido ang ilang laro sa Abra Provincial Athletic Meet dahil sa epekto ng bagyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Abra Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Officer Elmer Bersamin, sinabi niyang hindi natuloy ang mga outdoor games dahil sa sama ng panahon.

Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na isa sa mga pangunahing tinututukan sa ngayon ay ang pagtaas ng lebel ng tubig sa Abra River.

Tiniyak ng opisyal na nakahanda ang mga equipment na gagamitin sa pagresponde sa pananalasa ng bagyong Ramon gayundin ang mga family food packs na ipagkakaloob sa mga maapektuhan ng bagyo.