-- Advertisements --

Posibleng pauwiin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga Pilipinong nagtarabaho sa Libya matapos sabihin ng mga otoridad na masyadong mapanganib para sa mga OFWs na manatili pa doon.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, sa oras na sabihin na ng Department of Foreign Affairs na itinaas na sa alert level four ang sitwasyon sa Libya ay magpapatupad na sila ng forced evacuation o repatriation sa mga Pilipinong manggagawa doon.

Sa ngayon, voluntary pa ang repatriation sa naturang Middle Eastern country na kasalukuyang nasa civil war.

Sa oras na mangyari ang forced evacuation, sinabi ng DOLE na mayroon namang employment programs na available para sa uuwing OFWs.

“Our OWWA (Overseas Workers Welfare Association) has a reintegration program for our workers. This will be in the form of financial assistance, as well as livelihood assistance,” saad ni Bello sa isang panayam.

Iginiit ng kalihim na bibigyan din ng education assistance ang mga anak ng mga uuwing OWFs mula Libya.

Kahapon lang sinabi ng DFA na ang alert level sa ilang distrito sa Libya ay itinaas na sa 3 dahil na rin sa nangyayaring kaguluhan doon.

Sa isang statement, sinabi ng DFA na hindi papahintulutan ang mga OFWs na bumiyahe patunong Libya at sa iba pang apekatadong lugar hanggang sa mag-stabilize ang sitwasyon doon at maibalik sa level 2 ang alert level.