Isiniwalat ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na marami umanong mga banyagang coach ang interesadong mag-apply bilanig head mentor ng Gilas Pilipinas.
Sinabi ni SBP president Al Panlilio, buhos umano ang natatanggap nilang queries mula sa mga coach sa buong mundo mula nang ihayag ng pederasyon ang plano nilang kumuha ng isang dayuhan para hawakan ang national team.
Paglalahad pa ni Panlilio, karamihan daw sa mga ito ay pawang mga American at European coaches.
“Ang dami kong nakukuhang applicants. Of course, I don’t know these people, but they’re sending messages of interest,” wika ni Panlilio.
Sa kabila nito, ayon kay Panlilio, hindi pa rin daw nila isinasantabi ang pagtatalaga ng isang Pilipinong coach upang manduhan ang Gilas program.
Hindi naman nagbanggit pa ng mga pangalan si Panlilio, dahil ang kanilang pokus sa ngayon ay ang papalapit na 2019 Southeast Asian Games.
Samantala, inihayag pa ng basketball official na mag-uusap muli sila sa SBP matapos ang SEA Games para plantsahin naman ang programa para sa 2023 FIBA World Cup kung saan isa sa mga host ang Pilipinas.
“I think we need to have a strategy of how we move forward, and after that, we will do a formal search for a coach,” ani Panlilio.