-- Advertisements --

Bumagsak ng 63.6 percent ang inaprubahang foreign investments sa unang quarter ng taon sa bansa.

Ito ay mas mababa naman kumpara sa naitala noong nakalipas na taon batay sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Sa isang pahayag, sinabi ng PSA na bumaba ang kabuuang foreign investments sa P148.43 bilyon, mula sa P408.22 bilyon na naitala sa parehong quarter ng 2023.

Ang mga pamumuhunan na ito ay mga pledges mula sa mga investment promotion agencies.

Kabilang na rito ang Board of Investments, Clark Development Corp., Cagayan Economic Zone Authority, Philippine Economic Zone Authority at Subic Bay Metropolitan Authority.

Sa kabuuan na naaprubahang FIs para sa unang quarter ng taon, ang Singapore ng pinakamataas na investment commitment na P70.06 bilyon, na nagkakahalaga ng 47.2 percent share.

Sinundan ito ng Netherlands sa P38.89 bilyon (26.2 porsyento) at South Korea sa P20.23 bilyon (13.6 porsyento).

Nakatanggap naman ng pinakamalaking halaga ng inaprubahang pamumuhunan ang industriya ng kuryente, gas, steam and air conditioning sa P109.19 bilyon o 73.6 porsyento ng kabuuang naaprubahang FI.