Inihayag ni Senador Jinggoy Estrada na bukod sa Ingles, kinakailangan na ialok din bilang elective course ang iba pang foreign languages sa lahat ng kolehiyo sa Pilipinas upang maihanda ang mga estudyante na maging linguistically at culturally diverse
Sa kanyang iminungkahing Foreign Language Education Act, aatasan ang Commission on Higher Education (CHED) na gumawa at magpatupad ng programa na mag-aalok ng tatlong unit na basic foreign language courses for beginners sa lahat ng higher education institutions.
Binigyan-diin ni Estrada na ang pagkakaroon ng kurso na dayuhang wika sa curriculum sa kolehiyo ay magsisilbing elective course lamang at hindi papalitan ang Filipino bilang core subject.
Binanggit ng Senador na layunin ng panukalang batas na ipagpatuloy ang special program sa foreign language classes na kasalukuyang ipinapatupad ng Department of Education (DepEd) sa mga pampublikong paaralan sa mga mag-aaral sa Grade 7 hanggang Grade 12.
Nagsimula ang programa noong 2009 sa mga piling paaralan at nag-aalok lamang ng Spanish language ngunit kalaunan ay pinalawak pa at isinama ang Nihongo, French, German, Mandarin at Korean.