-- Advertisements --

NAGA CITY – Sugatan ang isang foreign national matapos masangkot sa karambola ng tatlong sasakyan sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima Shaheen y Yahya, 32, isang Syrian national na pansamantalang nananatili sa 37 Juliana, San Fernando City, Pampanga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. Ermelo Dichoso, hepe ng Del Gallego Municipal Police Station, sinabi nito na habang binabaybay ng minamaneho nitong Hyundai Accent ang kahabaan ng Andaya Highway sa Brgy. Cabasag sa nasabing bayan nang ito ay mag-overtake sa isang kasabayang truck na minamaneho ni Arlie Escomo y Suico, 37, sa curve portion ng kalsada.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, hindi nito nakita ang kasalubong na isa pang truck na minamaneho naman ni Roderick Padrigon y Sutan, 30, residente ng Zone 3, San Juan, Pili, Camarines Sur.

Dahil dito nagkasabitan ang dalawang behikulo kung saan tuluyang nawalan ng kontrol ang naturang foreign national sa kaniyang minamanehong sasakyan at tuluyang tumama sa truck kung saan ito nag-overtake.

Dahil din sa aksidente, nagtamo ng minor injury ang foreigner na agad namang itinakbo sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pangyayari.