Nakitaan ng pagrekober ang foreign reserves ng Pilipinas noong Pebrero ng kasalukuyang taon.
Base sa preliminary data mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tumaas ang gross international reserves (GIR) o mga reserbang dolyar, iba pang foreign currencies at gold na pwedeng pambayad sa mga external obligations ng bansa, sa $106.7 billion noong nakalipas na buwan mula sa naitalang $103.3 billion noong Enero 2025.
Nakikita namang magiging sapat ito para masaklaw o matugunan ang import needs ng bansa at foreign payments para sa 7 at kalahating buwan, ayon sa central bank.
Gayundin, ang kasalukuyang GIR level ay sapat para mabayaran ang short-term foreign debt ng 3.8 times na nagpapakitang financially stable ang ating bansa.
Ayon sa BSP, ang buwanag pagtaas ng foreign reserves noong Pebrero ay kasabay ng pagtaas ng mga deposito ng pamahalaan sa central bank kasunod ng matagumpay na fundraising efforts nito na sinusuportahan ng pagtaas ng presyo ng ginto sa pandaigdigang merkado at net income mula sa investment ng BSP sa abroad.
Matatandaan na kamakailan naging usap-usapan ang GIR ng bansa matapos sabihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ninakaw umano at ibinenta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang gold reserves ng bansa, bagay na pinabulaanan naman ng Malacañang at iginiit na nilinaw na ng BSP ang isyu kaugnay sa pagbebenta ng gold noong nakalipas na taon.