-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nagdatingan na sa bayan ng Nasipit, Agusan del Norte ang iilang mga foreign skateboarders na sasali sa 1st RDBP (Roscoe Democrito Borja Plaza) Asian Nasipit Longboard Competition na gaganapin bukas Sabado at Linggo, Setyembre a-21 at a-22.

Ito’y bilang highlight sa kapistahan ng kanilang patron na si Senior San Miguel ngayong Setyembre a-29.

Ayon kay Carmen Docdocil, ang municipal tourism officer sa nasabing bayan, ito ang pinaka-unang kompetisyon dito sa Mindanao kungsaan ang mga competitors ay mula sa pitong bansa sa Asya.

Kasama sa mga dumating na ang tatlong mga skateboarders mula sa Thailand at tig-iisa naman mula sa Japan, Singapore at Australia.

Ayon sa opisyal, may mga darating pa ngayong araw dahil nasa 80 hanggang 100 mga skateboarders ang inaasahang sasali sa nasabing kompetisyon.

Inihayag ni Docdocil na kanilang napag-isipan ang paglunsad sa nasabing extreme sport bilang bahagi din ng promosyon sa kanilang tourism industry upang maipakita sa lahat na hindi lang abunda ang kanilang bayan sa magagandang mga beach resorts kundi pati na ang mga bukiring bahagi na handang magki-cater sa ganitong uri ng extreme sports.