Mahigpit na minamanmanan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang ulat tungkol sa presensiya ng mga banyagang terorista na umano’y galing pa sa bansang Indonesia.
Kinumpirma ni PNP Chief Oscar Albayalde na mayroon silang binabantayan na mga alleged foreign terrorists subalit hindi pa makumpirma kung ito ay mga kasapi ng ISIS.
Sinabi ni Albayalde, sa katunayan ay may listahan daw sila ng mga pangalan ng mga naturang dayuhan.
Sa ngayon aniya, nasa confirmation at validation process pa ang PNP kung ISIS members ang mga nasabing teroristang banyaga.
“Sabi ko ever since the threat of terrorism is already global, nandiyan na yan. It can occur anytime, pwede yan mangyari even in developed countries,”wika ni Albayalde.
Giit ng heneral, hindi raw sila dapat maging kampante dahil posibleng naghahanap lamang ng magandang tiyempo ang mga terorista para makapaghasik ng karahasan.
Naniniwala si Albayalde na mahalaga ang kooperasyon ng lahat hindi lamang sa mga sibilyan kundi sa kanilang mga foreign counterparts na nagbibigay din ng mahalagang impormasyon.
Tiniyak ni Albayalde na mahigpit ang koordinasyon ng PNP at AFP para mahadlangan ang mga masasamang plano ng mga teroristang grupo.