-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Malakanyang na mas dadami pa ang mga turistang magtutungo sa Pilipinas kasunod ng nakatakdang implementasyon ng VAT refund program.

Ang nasabing programa ay inirekumenda ng Private Sector Advisory Council.

Ayon sa Palasyo, sa vat refund program may benepisyong makukuha ang mga turista gaya ng pagkabawas sa kanilang gastos gayung maaari nilang mabawi ang value-added tax o VAT sa mga biniling produkto.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty Claire Castro, sa panahong wala pang VAT refund na ipinapatupad ay marami ng turistang nagpupunta sa bansa.

At dahil may insentibo ng ibibigay sa mga foreign tourist, siguradong madaragdagan pa ang bilang ng mga ito.

Ayon kay Castro sa nasabing programa makakabenepisyo din dito ang mga negosyante o traders na mas maeengganyo pa ang mga ito na mag-produce ng mga produkto na kanilang itinitinda.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12079, ang mga dayuhang turista sa Pilipinas ay maaaring makakuha ng VAT refund para sa mga produkto gaya ng damit, fashion accessories, sapatos, electronic gadget, souvenir, pagkain at iba pang mga consumable products.