Iginiit ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na kailangan ng mga Pilipino ang mas mababang presyo ng pagkain at hindi ang mga foreign trips ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay Renato Reyes, Bayan secretary general, ang biyahe ni Marcos sa Davos sa Switzerland para sa World Economic Forum (WEF) ay isang insensitive para sa kalagayan ng mahihirap na pamilyang Pilipino na nahihirapang maglagay ng pagkain sa hapag.
Muling umalis si Marcos Jr. para sa isa pang foreign trips kasama ang malaking entourage habang ang mga ordinaryong Pilipino ay nakikipagbuno sa tumataas na presyo ng pagkain at gasolina at mababang sahod.
Pinapaniwala umano nito ang mga mamamayang Pilipino na ang kaniyang foreign trips ay mabuti para sa bansa, kahit na ang gobyerno ay walang tunay na solusyon sa krisis.
Umalis si Marcos patungong Switzerland noong Linggo, kasama ang isang delegasyon na inaasahang makikipag-ugnayan sa mga negosyante at lider mula sa buong mundo at target na makapag-uwi ng mga pangako at pamumuhunan.
Ginawa niya ang kaniyang foreign trips sa panahon na mataas ang inflation rate, gaya ng naitala noong Disyembre 2022, na tumataas ang mga presyo ng mga produkto tulad ng sibuyas, asukal, at itlog.