MANILA – Inamin ng Department of Health (DOH) na posible ring mabigyan ng libreng COVID-19 vaccines ng pamahalaan ang mga dayuhan na matagal nang nakatira sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng inaasahan nang pagsisimula ng pagbabakuna laban sa coronavirus ngayong buwan.
“Kapag tiningnan natin sa isang rationale point of view, since they’re here and they also interact with Filipino people baka dapat kasama,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ng opisyal, kailangan pang dumaan sa antas ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) ang plano, lalo na’t may priority list nang inihanda ang pamahalaan.
“Baka sakali sa rest of the population (sila) makasama.”
Nasa kamay naman daw ng Inter-Agency Task Force ang pagde-desisyon kung libre o sisingilin ng bayad ang mga foreigners na nandito sa bansa, bago sila mabigyan ng COVID-19 vaccine.
Sa ilalim ng priority list ng gobyerno, una ang healthcare workers na dapat maturukan ng bakuna. Sumunod ang senior citizens, mahihirap at uniformed personnel, bago ang natitirang populasyon.
Ngayong buwan inaasahan darating sa bansa ang 117,000 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines mula sa COVAX Facility.
Batay sa datos ng Bureau of Immigration noong 2019, mayroong higit 148,000 foreign nationals na nakatira sa Pilipinas.