KALIBO, Aklan—Nagpapatuloy ang case build-up ng binuong task force ng Aklan Police Provincial Office (APPO) kaugnay sa karumal-dumal na pagpatay sa 23 anyos na turistang Slovak sa isla ng Boracay.
Ayon kay P/Capt. Jesus Cambay, deputy chief of police ng Malay Municipal Police Station, hinihintay pa nila ang resulta ng forensic evidence partikular ang deoxyribonucleic acid (DNA), fingerprints, at trace evidence, para makatulong sa pagtukoy sa pagkatao ng mga suspek.
Samantala, ilan aniya sa mga pahayag ng isa sa mga itinuturing na person of interest sa kaso sa kaniyang executed extrajudicial confession sa Office of the Provincial Prosecutor ay tumugma sa resulta ng isinagawang medico legal examination lalo na sa cause of death ng dalaga na blunt force trauma o paghampas ng matigas na bagay sa kaniyang ulo.
Maliban dito, nakumpirma din na ang biktima ay nagkaroon ng sexual abuse.
Matatandaang si Mikaela Mickova ay natagpuan na lamang sa isang abandonadong chapel sa Sitio Pinaungon, Barangay Balabag na nasa state of decomposition.
Sa kasalukuyan ay nasa tatlo ang maituring na persons of interest sa pagkamatay ng dayuhang turista kung saan, dalawa sa mga ito ay nasa kustudiya ng pulisya dahil sa ibang kasong kinakaharap.