Malaki umano ang maitutulong sa pagresolba sa kaso ang resulta ng toxicology analysis sa katawan ng namatay na flight attendant na si Christine Angelica Dacera.
Ayon kay NCRPO chief B/Gen. Vicente Danao Jr., nakapokus ngayon ang mga imbestigador sa forensic evidence lalo na ang alcohol intoxication ng biktima.
Ayon kay Danao kapag pinainom na umano ang droga at nasa katawan na ito wala ng makita, kaya mahalaga na mabatid ang toxicology report para malaman ang katotohanan sa sanhi ng pagkamatay ni Dacera.
Giit ni Danao, posible ang heavy drinking na may kasamang illegal drugs ang maaaring nagresulta sa aneurysm na naging sanhi sa pagkamatay ng isang indibidwal, kaya mahalaga raw ang forensic evidence.
Batay sa inisyal na autopsy report, namatay ang biktima dahil sa “ruptured aortic aneurysm” kung saan itinanggi ito ng pamillya at hiniling ang panibagong autopsy.
Inihayag din ni Danao na hindi siya kumbinsido sa mga ebidensiya na nakuha ng Makati City Police.
Posibleng atat lamang ang mga imbestigador na sampahan ng kaso ang mga suspeks, dahilan para “ma-overlook” ang mga raw evidence.
Sa kabila ng desisyon ng Makati Prosecutor’s Office, ayon kay Danao tuloy pa rin ang imbestigasyon sa kaso.
Inatasan ng korte ang mga police officers na magsumite ng DNA analysis report, toxicology/chemical analysis at histopathology examination report bilang dagdag ebidensiya sa kaso.